KUBETA / JACKLYN


Allan B. Lopez

I.  KUBETA

Ang dula ay magaganap sa kubetang pambabae ng isang di-kagandahang sinehan.    Bagong linis ang itsura nito.

Sa may likuran ng pinto, patayong nakasandal sa ding-ding si DANILO.   Katabi niya ang isang bangko.

Papasok si MONIQUE.  Dire-diretso siya sa cubicle.    Maririnig natin ang lawiswis ng ihi niya.   Tapos flush.   Paglabas niya ay saka lamang niya mapapansin si Danilo.    Kita mo sa mukha ni Monique na nahintakutan siya sa pagkakita ni Danilo, ngunit pilit niyang itatago ito.   Hindi siya titinag sa kinatatayuan. 

MONIQUE : Boss, namali ka yata ng pasok.   Pambabae 'tong banyong ito.

Nagmamadaling lalabas sana si Monique, kaya lang ay ila-lock ni Danilo ang pintuan ng banyo at maglalabas ng isang patalim.

DANILO : Hindi, miss, sinadya ko talagang mapunta rito.  Ikaw ang hinihintay ko.

MONIQUE : Huwag kang magiisip ng masama, mama, marunong akong manuntok.   Baka akala mo aatrasan kita!

DANILO : Ano naman ang nakita mo sa akin para isipin na may gusto akong gawing masama?  (Lalapit kay Monique)

MONIQUE : Sige, lumapit ka't sisigaw ako!

DANILO : Maski sumigaw ka, wala nang makakarinig sa 'yo.   Nasa baba na ang natitira sa mga empleyado,  naghihintay na lang na matapos ang pelikula at lumabas ang mga tao para makauwi na rin sila.  Dalawang bakla lang ang kasama natin dito sa taas, at kalahati pa ang itatakbo ng pelikula, kasisimula pa lang nila sa ginagawa nila.

MONIQUE : 'Tangina mo,  lalabanan kita!   Huwag kang magkakamali.   Susungaban na kita ng karate kapag humakbang ka pa!

DANILO : Ang dumi pala ng bibig mo.   Wala naman akong ginawa sa 'yo, minumura mo na ako... nanginginig ka naman sa nerbiyos.

MONIQUE : Akala mo porke babae ako, palalagpasin ko 'to.   Hoy, pulis 'ata ang kapatid ko, at ipadadampot kita sa oras na makalabas ako rito...

Tatabi si Danilo kay Monique at itututok ang dalang patalim sa leeg nito.

DANILO : Naku, mag-ingat ka baka matakot ako sa 'yo... Hindi ako nagiiwan ng witness.

MONIQUE : (Mamumutla)  Hindi na.  Sige, hindi na ako mananakot...

Nakangiting lalayo si Danilo.   Kukunin niya ang bankong nasa may likod ng pintuan at   ilalapag ito sa gitna ng banyo.

DANILO : Gaya nga ng nasabi ko na kanina, wala akong anumang balak sa 'yo.    Disente naman akong tao, siguro naman nakikita mo 'yan, at ang gusto ko lang ay makapagusap tayo.    Ito nga't dinalhan pa kita ng upuan.   Halika, umupo ka.

Magdadalawang isip si Monique, ngunit itatas ni Danilo ang kutsilyo niya para ipaalalang siya ang in-charge.   Uupo na rin si Monique.   Hindi niya maiwanan ng tingin si Danilo.

DANILO : Okey.   Marunong ka naman pala sumunod.   Ano, may gusto ka bang sabihin?

MONIQUE : (Mahinang-mahina)  Wala.

DANILO : Maski thank you para sa upuan?

MONIQUE : (Mahina pa rin)  Thank you.

DANILO : Natutuyuan ka na yata ng laway sa takot, e.  Sinabi ko naman sa 'yong huwag kang matatakot!

MONIQUE : (Lalakasan ang tinig)   Hindi po ako natatakot.

DANILO : Huwag mo rin akong gamitan ng "po"!   Mamaya maburat ako sa 'yo niyan, pagisipan nga kita ng masama.   Magkasingtanda lang naman tayo, 'diba?   (Titingkayad sa harap ni Monique)  Ako kasi, 19.  Ikaw ba?

MONIQUE : Disiotso.

DANILO : Kita mo na, isang taon lang ang itinanda ko sa 'yo.  (Magaayos ng buhok)    Natatakot ka pa rin ba?

MONIQUE : Hindi na.

DANILO : (Tatayo ulit)  Okey.   Kung ganoon, makapapagusap na siguro tayo ng maigi.   Sige, magsimula na tayo.  Mga unang tanong ko, anong pangalan mo at saan ka nagaaral?

MONIQUE : (Susundan ng tingin si Danilo, na umiikot na sa banyo na tila wala nang pakialam sa kanya.  Iisipin niya ang isasagot)  Monique Huego.  Taga Sta. Isabel.

DANILO : Talaga?  Maganda ro'n kasi exclusive, 'diba?

MONIQUE : Oo.

DANILO : 'Di mga kaibigan mo, lahat babae?

MONIQUE : Oo.  Pero me mga lalaki rin.

DANILO : Wala ka pang boyfriend, kung ganoon?

MONIQUE : (Muli ay iisiping mabuti ang sagot)   Wala pa.

DANILO : Ang mga taga-exclusive, mahinhin dapat, so, tama bang isipin ko na virgin ka pa?

MONIQUE : Oo naman.  Hanngang kiss lang ako.

DANILO : Good.  Mabuti na nga kung ganoon, maraming manloloko't may sakit ngayon.   Alam mo kasi,  matagal na rin kitang pinagmamasdan.   Tuwing makikita kita, iniisip ko, bagamat sex bomb ka, walang masamang dugo sa iyo.   Sinabi ko sa sarili ko, malinis ang karakas nito... Totoo nga naman.

MONIQUE : (Magtataka)  Saan  mo naman ako nakikita?

DANILO : Dito.   Palagi kang nanonood dito, 'diba?

MONIQUE : Oo.   Bakit, inaabangan mo ba ako?

DANILO : Pero teka, may mga tanong pa muna ako sa 'yo.  Ako ang nagtatanong, diba? (Tatango si Monique) Sige, so anong paboritong pelikula mo?

MONIQUE : Ano?

DANILO : Paboritong pelikula mo.    Yung pinaka-iniyakan mo, o pinaka-tinawanan mo.    Kung nakikita kasi kitang pumupunta dito ng mag-isa, ang taimtim mong manood.  Malimit ay sa may harapan ka pa umuupo.

MONIQUE : Ilang beses mo na ba akong nakasabay manood? 

DANILO : Palagi. 

MONIQUE : Paanong palagi?

DANILO : Palagi.   Gabi-gabi ako nandirito.   Pamilya ko ang may ari nito kaya hindi ako nawawaglit sa pagpunta rito, para lamang taunan ang panonood mo.  (Parang ayaw maniwala ni Monique) Hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko, anong paboritong pelikula mo?

MONIQUE : Ewan ko, hindi ko na matandaan.   Marami kasi, at saka yung iba matagal na.  Mahilig kasi talaga ako sa sine, maski noong bata pa.

DANILO : E yung pinanood mo ngayon, gusto mo?

MONIQUE : Hindi.   Kung gusto ko, hindi mo ako mahihila mula sa upuan ko.   Doon na ako iihi.  (Matatawa sa sariling biro)

DANILO : Sabi ko na nga ba.  Kaya nga ngayon kita hinintay dito.   Nung nanood ako kagabi, sabi ko sa sarili ko, hindi mo magugustuhan ito.  Lalabas ka para umihi o manigarilyo.

MONIQUE : Ang galing mo naman...

DANILO : Huwag mo akong bobolahin, hindi ako tanga... pero thank you. 

MONIQUE : Sorry. 

DANILO : Okey lang.   Kaibigan naman kita, e.

MONIQUE : Paano tayo magiging magkaibigan, hindi pa tayo magkakilala?

DANILO : Kung kailangan pa 'yon, o di siya.   Ako si Danilo, taga UP.  Fifth year sa College of Engineering.   Ikaw naman si Monique, taga Sta. Isabel.   Okey. Tapos?  Okey na tayo.

MONIQUE : Alam mo, hindi ka naman talaga mukhang tarantado, kaya lang hindi ko maintindihan ang mga ginagawa mo. 

DANILO : Kung gusto mo, di tanungin mo rin ako.   Para patas.

MONIQUE : Ano naman ang itatanong ko sa 'yo?

DANILO : 'Di yung mga tanong na karaniwan sa mga magkakaibigan.   Halimbawa, puwede mong itanong kung ano ang ginagawa ko kung may free time ako, kung anong sport ang nilalaro ko.  Yung mga ganoon.   Ikaw ang bahala.

MONIQUE : Bakit, may gusto ka bang sabihin sa akin?

DANILO : Wala naman.  Kaya lang kasi, gusto mong makipagkaibigan, e.

MONIQUE : Akala ko ba magkaibigan na tayo?

DANILO : Oo nga.  Eh ikaw ang makulit, e.

MONIQUE : Sige, di magkuwento ka na lang.

DANILO : Hindi na.   Nahihiya ako.   Kung gusto mo, lumabas na lang tayo.   Magkuwentuhan tayo.   Mas marami tayong puwede gawin sa labas.

MONIQUE : (Mahihintakutan muli)  Huwag na, dito na lang.

DANILO : Pangit naman kung dito.   Kapag nagkatuluyan na tayo balang araw, ang ikukuwento natin sa mga anak natin, sa banyo tayo nagsimula. 

MONIQUE : Ikaw naman kasi, puwede ka naman sanang magpakilala sa labas, tinutukan mo pa ako ng kutsilyo...  Dito pa sa banyo.

DANILO : Sorry.  Kaya lang baka hindi ka makipagusap.   Kung gusto mo, eto, pare marelax ka, bibigay ko na lang sa'yo ito.

Ibibigay ni Danilo kay Monique ang patalim.  Pagtalikod ni Danilo ay tatayo na sana si Monique at susugod, ngunit mapapatigil.

DANILO : Meron namang akong ibang dala.  (Bubunutin ang isang maliit na baril sa tagiliran niya.  Mapapaupo ulit si Monique).    Ang regular na routine mo kasi sa panonood ng sine, linggo-linggo, kaya pakiramdam ko, hindi sapat ang pagkikita natin kung ganito lang.  Dapat araw-araw. 

MONIQUE : Sige na nga.  Kung gusto mo, di magkita na lang tayo sa labas kung minsan, pag araw. 

DANILO : Saan ba ang gusto mong lugar?

MONIQUE : Sa bandang Maynila.

DANILO : Busy ako sa UP, hindi puwede.  Yung mas malapit sana sa Diliman.   Kung puwede nga, dito na lang sana sa may Cubao.

MONIQUE : Anong balak mo?

DANILO : Sana dalasan mo na lang ang panonood dito.   Dito na tayo magkita.    Puwede naman kitang ipagbilin sa guwardiya para hindi ka singilin.   Tapos mula dito, saka na lamang tayo pumili ng mapupuntahan.

MONIQUE : Puwede, kung 'yan ang gusto mo.

DANILO : Maganda kung ganoon, walang problema.

Makikipagkamay si Danilo.

MONIQUE : Alam mo, bilib din ako sa'yo.  Ang layo naman ng pagpaplano mo.   Tapos kung magsalita ka pa, parang magkakatuluyan talaga tayo.

DANILO : Ayoko na kasi ng pawaso-waso.   Kung nakita ko na ang babaeng gusto ko, swak na agad, dahil kung hindi lang rin, di mabuti pang mamatay.

MONIQUE : Paano mo naman nasiguradong ako ang gusto mo?

DANILO : Dahil maski hindi kita nakikita sa loob ng sinehan, nagagandahan ako sa'yo.   Maski sa likuran mo lang ako umuupo, nararamdaman ko ang takot mo, ang awa mo o ang tawa mo sa mga nagaganap tuwing nanonood ka ng pelikula.   Kumbaga, may koneksyon, 'yun bang di nakikita, pero nandoon.

MONIQUE : At ang interpretation mo doon, ako na talaga ang mamahalin mo?

DANILO : Oo.

MONIQUE : Nakakatawa ka namang tao.   Hanggang saan mo kayang panagutan yang mga sinasabi mo?  Pagpapakilala nga lang, kinailangan mo pa 'kong tutukan ng baril, pagninigaw pa kaya?

DANILO : Kaya ang lahat.  Kung mali ako, o kung hindi ko kayang kunin ang gusto ko, magbabaril ako sa ulo.

MONIQUE : (Tatawa ng malakas)  Alam mo, gusto kita!

DANILO : Alam ko. 

MONIQUE : Talagang dapat lumabas tayo paminsan-minsan.  Sigurado ako, magkakagustuhan tayo. 

DANILO : Siyempre.  Dapat madalas.  Pang ready ng habambuhay na ilalaan natin sa isa't-isa.

MONIQUE : (Titigil sa kanyang pagtawa at tititig kay Danilo)  Seryoso ka talaga sa mga sinasabi mo, ano?

DANILO : Hindi naman ako nagbiro maski kanina.

MONIQUE : (Dismayado)  Seryoso ka ring papatol ako sa 'yo ngayon?

DANILO : Oo.  Seryoso akong mamahalin mo ako, at ito na ang pinakamahalagang pagkikita natin dahil simula ito ng buhay nating magkasama.   Ito ang pinakamahalagang araw sa buhay mo dahil nakita mo ako.

MONIQUE : (Mahina ngunit mariin)   Ang kapal din naman ng mukha mo!

DANILO : Siguro, pero alam ko kung ano ang tama. 

MONIQUE : Nagpapatawa ka?

DANILO : (Uupo sa sahig) Hindi.

MONIQUE : (Sa unang pagkakataon ay tatayo at lalapit kay Danilo, hahawakan ang baril sa kamay nito)  Hindi mo ako kayang saktan, ano?  (Itututok niya sa sarili)

DANILO : Sinabi kong para sa akin ito kung saka-sakali.

Ilalapag ni Danilo ang baril sa sahig.   Tatangan ni Danilo si Monique sa leeg.   Akmang hahalikan niya ito.   Aalisin ni Monique ang kamay ni Danilo at tatayo.  Nagmamadaling lalakad patungo sa pinto.   Hindi hahabol si Danilo. 

MONIQUE : Sira ulo ka pala!  (Ibabato ang patalim kay Danilo)

DANILO : Pinagnanasahan kita.   Sasayangin mo lang?

Lalabas ng kubeta si Monique.   Hindi susunod si Danilo.

Magdidilim ang tanghalan. 

May maririnig tayong putok ng baril. 
 


 II.  JACKLYN



Ang dula ay magaganap sa isang karaniwang silid.  Unang tingin mo pa lang, alam mong silid ito ng mga binata.   At halata mo ring anak mayaman ang mga binata dahil kumpleto sa lahat ng kagamitan.   Sa isa sa dalawang kama ay natutulog si MARCUS.    Nakaupo naman sa harap ng isang nakatayong illustration board si BOBBY.    Sa illustration board na ito ay may nilapis na portrait ng artistang si Jacklyn Jose.   Maingat na dinaragdagan ni Bobby ng mga detalye ang drowing.

Magigising si Marcus.    Makikita niya ang ginagawa ng kapatid at panonoorin siyang sandali. 

MARCUS : Binaba mo na naman pala siya...   Alam mo, kung palagi mo na lang pakikialaman 'yan, baka tuluyan yang masira.  'Ba, mahirap ngayong kumuha ng panggagayahan.  Hindi na sila naglalabas ng picture niya sa mga dyaryo.   Maski sa mga movie poster ngayon, maliit siya. 

BOBBY : Kasi, napanood ko ulit kanina yung horror niya na anak niya si Angelika dela Cruz, yun bang aswang siya.   Napansin ko, nag-age na siya.  Konti lang naman, pero nag-age siya. 

MARCUS : Gusto mo bang tumanda din siya rito?

BOBBY : Mas maganda siya ngayon, actually.   Alam mo naman 'yan, diba? Magkasama tayong nanonood ng palabas niya sa TV, yung kasama si Jolina.   Galing niya roon.   She's a very elegant middle-aged woman.

Tatayo si Marcus sa may likuran ni Bobby, na maingat na nilalagyan ng kulubot ang may kili-kili ni Jacklyn Jose sa larawan.

MARCUS : Binababoy mo yata siya!

BOBBY : Ano 'ko, gago?

MARCUS : Alam mo, nalalamog na ang papel.   Almost taon-taon, pinakikialaman mo 'yan.

BOBBY : Hayaan mo na nga lang ako.   Sa totoo lang, sa tingin ko, gusto niya ng binibigyan ng atensyon.   Kumbaga, sinusuyo.   Ikaw nga, nagpapabaya ka na. 

MARCUS : Kailan ba ipapalabas yung bagong pelikula niya?

BOBBY : Iyong kasama si Klaudia Koronel?   Ewan ko.   Matagal ko nang naririnig sa CMC pero wala pa ring minamarket hanggang ngayon.

MARCUS : (Magbubuntong hininga)  Matagal na rin siyang walang pelikula.

BOBBY : Oo nga.   Kasi'ng mga produser na 'yan, ang hilig gawin siyang nanay ng ibang artistang wala nang sinabi na hindi umiiyak.   (Hihipan ang huling guhit na nailagay)   Tapos na.  Ano sa tingin mo?

MARCUS : Sige, okey na.  Ibalik mo na siya.

Maingat na ilalagay ng dalawa sa frame na nakalapag sa sahig ang sketch at isasabit sa ding-ding, sa gitna ng dalawang kama.   Titignan nila ito ng maigi.   With reverence, kumbaga.

BOBBY : Sayang siya.   Hanggang ngayon, hindi pa rin nila nadidiskubre na mas magaling siya kay Nora...

MARCUS : O kay Vilma, o sa kahit sinong artista sa Pilipinas o sa mundo. 

BOBBY : Mayabang kasi sila.  Akala nila, porke simple lang at mapagkumbaba si Jacklyn Jose, wala na siya. 

MARCUS : Isipin mo na lang ang uri ng mga project na binibigay sa kanya!

BOBBY : Kung ibigay na lang kasi ng mommy ang mana natin, ibubuhos ko ang share ko para gawan siya ng magandang pelikula.   Yung siya ang bida, yung hindi siya nanay lang ng kung sino.

Uupo na si Marcus sa kama niya.   Magsisimula namang magligpit ng gamit si Bobby.

MARCUS : May nakilala ka na bang ibang tao na gusto rin siya?

BOBBY : Wala pa.   Hindi ko maintindihan kung bakit lahat ng mga kakilala ko, ang tingin sa acting niya boring.

MARCUS : Hindi kasi nila maintindihan ang pagka-cerebral niya.

BOBBY : Maski nung manalo siya ng maraming award, walang gustong kumilala sa kanya bilang magaling na artista.   Lahat kasi sila, inggit.   Si Jacklyn kasi nirereklamo ng mga tanga.  Hindi daw umiiyak.   Eh sa natural ang dating ng arte niya!  Para bang wala siyang effort na paiyakin tayo, pero naiiyak pa rin tayo. 

MARCUS : Naalala mo yung nanood tayo ng pelikula ni Lorna kung saan supporting siya?   Sa SM tayo nanood noon, 'diba?

BOBBY : Yun ba yung may nagkagulo?

MARCUS : Oo.  Umiiyak tayong dalawa dahil katatapos lang niya ikuwento kung paano napamahal sa kanya yung isang batang inampon niya, tapos naubusan siya ng sasabihin...

BOBBY : At marami pa siyang gustong ikuwento kay Lorna at Ariel...

MARCUS : Kaya lang hindi na niya masabi, nagtuhog na lang siya ng barbeque na ititinda niya.   Binuhos niya talaga yung pighati niya sa barbeque.   (Titingala sa pagbabalik tanaw)  Iyak tayo ng iyak.... grabe....

BOBBY : Tapos anong sabi nung katabi mo?   Sinabi ba niyang mukhang tanga si Jacklyn?

MARCUS : Hindi.  Ang sinabi niya, bagay kay Jacklyn ang maging katulong.   Mukha daw siyang totoong katulong.

BOBBY : At pinatungan mo yung mama, diba?   (Nangingiti na sa kanyang naaalala)

MARCUS : Oo,  at pinagsusuntok!    Walang kalaban-laban yung mama dahil nakapatong talaga ako sa kanya tapos inipit ko talaga siya ng mga paa ko.    Putang-ina, on the rampage ako noon!   Hinila na nga ako nung mga guwardiya na nagdatingan.  Hangang papalabas na kami, sigaw pa rin ako ng sigaw.  Naaalala mo pa ba yung mga sinasabi ko noon, 'tol?

BOBBY : Siyempre.  Sino bang makakalimot sa  "Hindi siya mukhang katulong, magaling lang siyang mag-internalize!"

Magtawanan ang magkapatid sa napagusapang ala-ala, ngunit matatahimik si Marcus at titingin na lamang ng taimtim sa larawan.

MARCUS : Iyon ang unang pagkakataon na naipagtanggol ko talaga siya.   Nung bata pa tayo kapag binabad-mouth siya ng mga bakla nating kaklase sa Don Bosco, hinahayaan lang natin.   Ako kasi, personally, ayokong magmukhang tanga.  Pero kung maaari lang talaga sana, marami na siguro akong nasuntok.    Nung nangyari 'yon sa SM, napuno na lang siguro ako.  Nakakapikon na kasi!

BOBBY : Ako naman, okey na sa akin yung ganito.   Maganda naman yung tayo lang at iilan pang ibang tao ang tunay na nakakaintindi sa kanya.   At least, sa katayuan niya ngayon, masasabi talaga nating fan niya tayo.   Kung maging katulad siya ni Nora, marami siyang magiging fan na fan lang niya dahil sa katangahan nila'y akala nila cool 'yon.   Pangit kung magiging ganoon.  Baka lumaki ang ulo niya tapos hindi na siya maging magaling na artista.

MARCUS : Kahit kailan, maski lumaki pa ang ulo niya, hindi siya magiging walang kalidad na artista.

BOBBY : Kungsabagay, maski doon sa mga B movies niya, okey lang naman siya.   Maski halata mong hindi siya binayaran ng tama.

MARCUS : Alam mo, matagal ko nang pinapangarap na pagdating ng araw, magkikita rin tayo ni Jacklyn sa totoong buhay. 

BOBBY : Mahirap, 'tol, magmumukha lang tayong tanga.  Hindi ba naikuwento ko na sa 'yo nung nagkita kami sa UP Film Center at natulala lang ako?

MARCUS : Kasi nasa maraming tao kayo.    Siyempre, ilag siya sa mga tao kaya nahiya ka rin.   Ang sinasabi ko, sana bigla na lang may mag-doorbell isang araw tapos si Jacklyn Jose pala.   Puwedeng naghahanap siya ng address.   Tapos sana malayo dito 'yon para mayaya muna natin siyang mananghalian bago natin siya ihahatid sa patutunguhan niya. 

BOBBY : Tama ka, brod!   Tapos habang nagtatanghalian tayo, mapapapirma na natin sa kanya ang mga poster niyang tinatago natin.

MARCUS : Mapapakita ko rin sa kanya yung tatoo ko sa likod!

BOBBY : At yung tatoo ko sa may puwit!

MARCUS : Magugustuhan niya tayo.   Tatanungin niya ang pangalan natin tapos hahalikan niya tayo sa pisngi. 

BOBBY : Sa simula lang 'yon.   Maraming-marami pa siyang hahalikan.

Tatawa ng malakas si Bobby.  Hindi agad dudugtong si Marcus.

MARCUS : Hindi ko yata gusto yang patutunguhan ng sinasabi mo, 'tol.

BOBBY : Ano?

MARCUS : Sabi ko, ang dumi ng isip mo.  Wala namang bastusan, brod!

BOBBY : (Nagtataka)  Bakit, ang gusto mo ba palabasin, hindi mo kahit kailan inimadying nakikipag-ano ka kay Jacklyn?

MARCUS : Tumigil ka na nga!

BOBBY : Ang gusto mo sabihin, sa tuwing napapaniginipan mo siya, ang ginagawa lang ninyo e nagsusungka?

MARCUS : Walang masama kung hindi ko siya tignan sexually, okey?   Hindi naman porke babae iniisipan mo na nang ganyan.   Jacklyn Jose is a woman of character, at ang ginagawa sa mga woman of character e kinakausap at sinusuyo, hindi kinakantot!

BOBBY : (Seryoso na rin)  Hindi naman sa paglalaruan mo, kaya lang siyempre if you want a woman to be happy, you have to satisfy her.  Hindi mo naman siguro masasatisfy ang kahit sino sa pamamamagitan ng pakikipagusap lang sa kanila.

MARCUS : Huwag na nga natin pagusapan yan.   Hindi ako kumportable.

BOBBY : Hindi puwede.   Alam mo kung bakit?  Nakakabastos ka na niyan, e.  Para bang pinapalabas mo na hindi ako marunong gumalang!  Parang pinamumukha mong mas noble at holy ang pagtingin mo kay Jacklyn kaysa sa akin!

MARCUS : E 'tangina, totoo naman e, binabastos mo na siya!

BOBBY : Hindi ko siya binabastos, putang-ina mo!  Sa akin kasi tao siya, at kung mahal mo ang isang tao, paliligayahin mo siya sa lahat ng bagay... LAHAT NG BAGAY!

MARCUS : Kung kakailanganin mang makipag-sex siya sa atin, sa isa lang, at huwag mong iisipin na masosolo mo siya!  Huwag mo ni padaanin 'yan sa isip mo dahil kung hindi ay susuntukin kita!

BOBBY : Ganoon?  So nagseselos ka lang pala?   Tang-ina, anong magagawa ko kung mas maligaya sa akin si Jacklyn kaysa sa 'yo?

MARCUS : Hindi siya mas maligaya sa iyo!

Umiiyak na sususgurin ni Marcus si Bobby.   Magpapaikot-ikot sila sa sahig.   Si Bobby ang makakalayo.    Pipigilan ni Marcus ang sarili na sundan ang kapatid.   Umiiyak na si Bobby.

BOBBY : 'Tangina mo.   Akala mo kung magsalita ka napakalinis mo.   Pakinggan mo nga ang mga sinasabi mo.   Alam mo, gusto kong tumawa kapag naiisip kong pinipigilan mo akong maging malibog.   Parang nakakalimutan mong ilan na ang nabuntis mong burat ka!    Akala mo ba, hindi ako naapektuhan sa tuwing nababalitaan kong may iba kang karelasyon?  Ha!?!

MARCUS : (Tatayo)  Tama na.  Sige na Bobby, sorry na.

BOBBY : Huwag mo 'kong uutuin hindot ka!   Sumosobra ka na, akala mo kung sino kang mabuting tao!   Anong karapatan mong manumbat sa akin ngayong ikaw 'tong nagtaksil kay Jacklyn nang paulit-ulit...

MARCUS : Tama na...

BOBBY : Bata pa lang tayo nang manumpa tayo sa isa't isa na magiging tapat tayo kay Jacklyn.   Palagi kong sinasabi sa kanya, sa tuwing kami lang dito, na tanging sa kanya lang tayong dalawa.   Ako... at ang nakakatanda kong kapatid.   Sa kanya lang!   Pero anong ginawa mo?

MARCUS : Tama na...

BOBBY : Ilang taon ka pa lang nakipagrelasyon ka na sa iba! Sa taga-labas!  Ilan-ilan ang naging girlfriend mo.  Akala mo ba hindi siya nasasaktan kapag napanghahalata niyang palagi kang wala, at kung dumating ka'y wala ka nang gana, na para bang wala ka nang responsibilidad sa kanya?   Mas masakit sa akin 'yon, Marcus, dahil kapatid kita!   At kasabay ng sakit na nararamdaman ko dahil nasasaktan si Jacklyn ay napapahiya pa ako dahil kapatid kitang nagtatraydor!

MARCUS : Hinihingi ko ang paumanhin mo, Bobby...

BOBBY : Tapos ngayong binibigay ko ang buong pagkatao ko sa kanya, ang buong mulat ko, sasabihan mo akong bastos ako!

MARCUS : Tama na... Hindi lang ako nagiisip... Patawad, Bobby...

BOBBY : Makasarili ka...

MARCUS : Tumigil ka na.

Yayakapin ni Marcus si Bobby.   Matagal na iiyak si Bobby sa dib-dib ng kapatid.

BOBBY : Ipinapangako mo bang paliligayahin mo siya magpakailanman, sa lahat ng paraang nararapat?

MARCUS : Promise. 

BOBBY : Promise mo rin bang hindi mo siya iiwan... Na hindi mo kami iiwan...

MARCUS : Promise.   Siya at ikaw na lang ang habambuhay kong iisipin at mamahalin...

Magdidilim ang tanghalan.   Huli nating makikita ang larawang nakasabit sa ding-ding. 

WAKAS


Main
Next